-- Advertisements --

Namataan ang kumpulan ng mga barko ng Chinese maritime militia sa kasagsagan ng isinagawang maritime domain awareness (MDA) flight ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.

Sa isang statement na ibinahagi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong gabi ng Huwebes, isinagawa ang naturang misyon bilang tugon sa kamakailang agresibong maniobra ng People’s Liberation Army (PLA) Navy.

Kung saan kasama sa naturang MDA flight ang 2 aircraft ng BFAR na umalis mula sa Puerto, Princesa.

Layunin ng naturang misyon na igiiit ang soberaniya ng ating bansa gayundin ang sovereign rights at maritime jurisdiction sa WPS.

Sa kasagsagan ng operasyon, inobserbahan ng aircraft ng PH at idinokumento ang mga namataan sa nasabing karagatan.

Kabilang na ang naispatang kumpulan at iligal na presensiya ng 6 na Chinese maritime militia vessels sa Rozul reef at ang mahigit 50 barko ng Chinese maritime militia at isang China Coast Guard vessel na may bow number 5101ang namataan sa Pag-asa island.

Sa kabuuan ng maritime domain awareness flight, tuluy-tuloy na chinallenge ng panig ng PH ang iligal na presensiya ng Chinese vessel sa lugar at idinokumento ang mga iligal na aktibidad ng nasabing mga barko ng China sa Kalayaan Island group.

Sa kabila naman ng malaking bilang ng kumpulan ng mga barko ng China, nananatili aniyang hindi natitinag ang bansa sa mga probokasyon mula sa China at ipagpapatuloy ang commitment nito na pagtibayin ang ating soberaniya at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng maritime domain ng bansa.