Lumutang ang tanong sa pagdinig ng House Quad Committee kaugnay ng mga transaksyon ni Alice Guo at ang potensyal na koneksyon nito sa criminal syndicates na Fujian gang.
Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro may hinala na konektado si Guo sa mga indibidwal mula sa Fujian, isang rehiyon sa China kung saan sinasabi na mayroong mga gang.
Ang Fujian gang ay tumutukoy sa isang sindikato na katulad ng mga triad, na kinabibilangan ng mga gang na lumipat sa Hong Kong at local networks sa Fujian.
Isa sa ipinakitang ebidensya ang poster ng pagbati mula sa mga negosyanteng Intsik na nakabase sa Maynila, na orihinal na mula sa Fujian, na nagdiwang sa pagkakahalal ni Guo bilang “unang Intsik na alkalde sa Pilipinas” noong 2022.
Ayon din sa inilabas na impormasyon mula sa record ng Bureau of Immigration, na tumutukoy kay Guo na dependent ng kanyang ina na si Lin Wen Yi, na tubong Fujian.
Binanggit din ni Luistro na ang dalawang kasosyo ni Guo at mga kapwa incorporators ng Bamban-based na Baofu Land Development Inc.sina Lin Baoying at Rujin Zhang—na parehong nahatulan ng paglabag sa anti-money laundering sa Singapore, ay mula rin sa Fujian.
Duda ng kongresista kung ang mga koneksyon na ito ay nagkataon lamang o indikasyon na sangkot si Guo sa mga ilegal na aktibidad na konektado sa Fujian gang. “I wonder, Mr. Chair, if these are merely coincidences?” tanong pa nito.
Nang tanungin, itinanggi ni Guo ang anumang kaalaman tungkol sa Fujian gang.
Lumalabas sa pagdinig ng Quad Committee na si Guo ay isang Chinese na sinamantala ang mga butas sa sistema ng Pilipinas upang makapagnegosyo sa bansa na umano’y konektado sa mga sindikato.
Inihayag sa interpelasyon ni Luistro, na ang pagkakaugnay ni Guo kina Lin at Zhang, na kapwa hinatulan sa Singapore dahil sa laundering ng $3 bilyon, kasama ang isa pang incorporator, na si Huang Zhiyang, na sangkot naman sa cybercrime matapos ang pagsalakay ng mga awtoridad noong 2023.
Ang apat na nabanggit ay sangkot sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), partikular ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology, na konektado sa human trafficking at money laundering.
Nalaman din sa pagdinig na si Guo ay nakakuha ng pekeng birth certificate at Philippine passport sa pamamagitan ng late registration ng birth system, kaya’t nakatakbo at nahalal na opisyal ng gobyerno at makapagtayo ng mga negosyo.
Dahil dito, iminungkahi ni Luistro ang pagkakaroon ng reporma upang pigilan ang mga dayuhan na sinasamantala ang kahinaan ng Sistema at inirekomenda sa Securities and Exchange Commission na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon upang matiyak na lehitimo ang mga korporasyon.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga batas laban sa money laundering, na tinukoy na ang mga ilegal na operasyon ng POGO ay lumawak dahil sa hindi nare-regulate na mga financial transactions.
Ang mga nabunyag na mga aktibidad ni Guo at posibleng koneksyon sa mga sindikato ay isang seryosong problema sa kung paano manipulahin ng mga dayuhan ang mga sistema sa Pilipinas sa kanilang mga ilegal na gawain.
Isinusulong naman ngayon ng mga mambabatas ang agarang reporma sa mga kakulangan ng batas para protektahan ang bansa sa higit pang pagsasamantala.