-- Advertisements --

Humarap sa House quad comm ang isang testigo na nagpatibay sa alegasyon ng kaugnayan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at dati nitong presidential economic adviser na si Michael Yang sa 2004 shabu laboratory raid sa Dumoy, Davao City.

Ang operasyon, na naganap noong panahon na si Duterte ang alkalde ng lungsod, ay nagresulta sa pagkakatuklas at pagkakakumpiska ng higit sa 100 kilo ng high-grade shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P300 milyon.

Sa sinumpaang salaysay na iniharap sa pagdinig ng komite noong Huwebes, inilahad ni Jed Pilapil Sy, asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy at may-ari ng property sa Dumoy kung saan itinayo ang shabu laboratory, ang mga pangyayari bago ang misteryosong pagkawala ng kanyang asawa at ang kanyang naging pagkakakulong.

Ibinahagi ni Jed ang isang nakakatakot na serye ng mga pangyayari noong Disyembre 31, 2004, kabilang na ang pakikipagtalo sa noo’y Mayor Rodrigo Duterte.

Sinabi niya na nagtungo sa kanilang bahay sa Davao City ang galit nag alit na si Duterte at hinahanap ang kinaroroonan ng kanyang asawa.

Sinabi ni Jed na pagkatapos ay binigyan siya ni Duterte ng magbabantay at binalaan siyang huwag lumabas ng bahay, ngunit hindi na niya dinugtungan pa ang kanyang mga sinabi.

Ilang oras pagkatapos ng pagbisita ni Duterte, nalaman ni Jed mula sa isang kaibigan na ni-raid ng mga awtoridad ang ari-arian sa Dumoy.

Ang raid sa Dumoy ang huling pagkakataon na diumano’y nakita si Allan Sy, na ayon kay Jed ay magpahanggang ngayon ay hindi niya nalalaman kung patay na o buhay pa ang kanyang asawa.

Si Jed, at kapatid nitong si Jong Pilapil, kasama ang iba pa ay inaresto kinabukasan at nahatulan ng hukuman ng habang buhay na pagkakakulong sa isang piitan sa Davao City.

Naninindigan si Jed na ang kanilang pagkakakulong ay base sa gawa-gawang ebindensya, subalit ito ay una ng kinatigan ng Mataas na Hukuman.

Ang sinumpaang salaysay ay nagbigay pa ng mga detalye na nag-ugnay kay Yang, at koneksyon sa mga negosyo ng pamilya Sy sa pamamagitan ng DCLA Plaza sa Davao City.

Nang ipakita sa kanya ang larawan ni Yang, kinumpirma ni Jed na ang nasa larawan at sinabing siya nga ang malapit na kaibigan ng kanyang asawa.

Ang mga pahayag ni Jed ay tumutugma sa mga sinabi ng sinibak na opisyal na si Police Col. Eduardo Acierto, na inakusahan si Duterte ng pagtatanggol kay Yang at isa pang hinihinalang drug lord na si Allan Lim, kilala rin bilang Lin Weixiong, mula sa pananagutan noong kanyang panunungkulan bilang presidente.