Iniimbestigahan na ngayon ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang lawak ng koneksiyon sa international drug syndicate ang napatay na dalawang big time drug distributors sa isinagawang buy bust operation kagabi sa may bahagi ng Sherack St., Barangay Almanza Uno, Las Piñas City kung saan nasabat sa dalawa ang nasa P210 million halaga ng hinihinalang shabu.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas kinukuha ng mga suspeks ang kanilang drug supplies mula sa ilang Chinese nationals na galing pa ng Burma sa Myanmar at sikretong ibinabiyahe sa isang warehouse sa Pampanga ang mga iligal na droga.
Napag-alaman na ang nakumpiskang 31 kilos na shabu na nakasilid sa isang tea packages kagabi ay galing Pampanga.
Kinilala ni Sinas ang dalawang nasawing drug suspects na sina Richard Jen Jieko Salameda Amarga alias Koy-Koy o Coco at Andrew Guinto Garcia na miyembro ng sputnik gang at tinaguriang Amarga drug group.
Sa panayam kay Sinas, sinabi nito na ang mga nakumpiskang iligal na droga ay nakatakdang i-distribute raw ng mga suspeks sa region 4A Calabarzon at Region 3.
Inatasan na rin ni Sinas ang PDEG na alamin ang source ng mga nakumpiskang illegal drugs.
Naniniwala si PNP chief na ang napatay na mga drug suspeks ay mga bagong players sa kalakaran ng iligal na droga na nangangailangan ng pera.
Ayon kay Sinas, nagtaka ang mga operatiba kung bakit sa isang madilim na lugar sa Las Pinas ikinasa ang buy bust operation at hindi sa mga nakagawiang lugar gaya ng mall, kaya naghanda talaga ang mga operatiba sakaling magkaroon ng putukan.
Ang nasabing anti-illegal drug operations kagabi ay pinanagunahan mismo ni PDEG director B/Gen. Remus Medina sa pakikipag-ugnayan ng PDEA at NCRPO.
Pinuri naman ni Sinas ang matagumpay na operasyon ng PDEG sa kanilang pinalakas na anti-illegal drug campaign para tuluyan ng matigil ang pagbebenta ng mga iligal na droga at makamit na ang drug-free community.