Naniniwala ang isang boxing analyst na magagawa umano ni Sen. Manny Pacquiao na mapatulog si Keith Thurman sa late rounds ng kanilang sagupaan sa Hulyo 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Ed Tolentino, bagama’t malaki ang tsansa na magapi ni Pacquiao si Thurman sa pamamagitan ng decision, hindi raw nito isinasantabi na magagawa ng fighting senator na magtala ng knockout sa huling mga rounds.
Paliwanag ni Tolentino, idadaan umano ni Pacquiao sa bilis ang sagupaan upang ubusin ang stamina ng WBA “super” welterweight beltholder.
Paglalahad pa ng analyst, nakita umano ang mahinang stamina ni Thurman nang muntik na itong bumigay sa seventh round ng banggaan nila ni Josesito Lopez noong Enero.
Tingin pa ni Tolentino, matinding pressure ang ibibigay ni Pacquiao kay Thurman lalo pa’t halos dalawang taong naging inactive ang undefeated American.
“Kaya ni Pacquiao ito by decision, pero I will not be surprised if there will be a late round knockout puwede kahit mga around 10 rounds,” wika ni Tolentino.
“Tingin ko hindi naman bibiglain ni Manny ‘to kasi tingin ko suspect ang stamina ni Thurman. Tingin ko talagang mahihirapan siya na hagilapin [‘yung suntok ni Pacquiao]. Doon siya mapapagod,” dagdag nito.
Una nang nagmayabang si Thurman na magagawa niya raw patulugin si Pacquiao sa loob ng anim na rounds.
Habang iwas naman sa pagbibigay ng prediksyon ang Pinoy ring legend sa kanilang salpukan sa MGM Arena sa Las Vegas, Nevada.