Hindi pa rin umano nawawalan ng pag-asa si four-division world champion Mikey Garcia na mabibigyan ito ng pagkakataon na makasagupa sa ibabaw ng boxing ring si Sen. Manny Pacquiao.
Ito’y kahit na maugong ngayon ang nilulutong megafight sa pagitan nina Pacquiao at pound-for-pound king Terence Crawford.
Bagama’t aminado si Garcia na wala raw itong ideya kung anong mangyayari sa hinaharap, nanindigan ito na nais pa rin niyang makaharap ang Fighting Senator.
Samantala, ibinunyag din ng American boxer na walang nangyayaring negosasyon sa pagitan ng kampo nila ni Pacquiao.
“Originally, we talked about it, and he (Pacquiao) seemed excited about it. Now with all that’s happened, who knows? He might want to take something else, and he might want to fight someone else,” ani Garcia.
Sakali namang hindi niya makuha si Pacquiao, naniniwala si Garcia na mas karapat-dapat umano para sa Pinoy ring icon sina Crawford at Kazakh knockout artist Gennady Golovkin.
“I think Crawford has all the skills and talent to make it an awkward, difficult fight for Pacquiao based on his height, reach, and IQ,” wika ni Garcia sa posibilidad ng Crawford megafight. “I think that’s going to be a great fight for both.”
Una nang inihayag ni Garcia na pangunahing target niya raw si Pacquiao sa welterweight division.
Maliban kay Garcia, ilan din sa mga boksingerong interesado sa Fighting Senator sina Errol Spence Jr., Danny Garcia, at marami pang iba.