Hindi rin nagpahuli ang kauna-unahang coach ni WBA “Regular” champion Manny “Pacman” Pacquiao (61-7-2) na magbigay ng kuro-kuro sa nalalapit na big fight ng kanyang dating alaga laban sa American WBA “Super” welterweight champion Keith “One Time” Thurman (29-0, 22KOs).
Sa exclusive interview ni Bombo international correspondent Ponciano “John” Melo mula sa Las Vegas nagbalik tanaw si Benedicto “Ben” Delgado sa samahan nila ni Pacquiao bago pa man ito naging boxing legend.
Umabot din sa anim na taon na naging trainer ng pambansang kamao si Delgado at noong 17-anyos pa lamang ito ay nakatipon na ng 64 na panalo sa mga amateur fights.
Isa sa pinakamalaki at memorable fight daw ni Delgado ay noong taong 2001 kung saan tinalo ni Pacquiao si Lehlohonolo “Lehlo” Ledwaba ng South Africa sa pamamagitan ng technical knockout para maagaw ang International Boxing Federation super bantamweight title.
Noong panahon iyon ay nagsama sila ng puwersa ng naging unang trainer ni Manny ang Hall of Famer na si Freddie Roach.
Ang naturang laban ni Pacman sa Las Vegas ay nagsilbing big break sa kanyang professional boxing career sa Amerika.
Sa Hulyo 21, muling babalik si Pacquiao sa lugar kung saan una siyang nanalo sa MGM Grand para makipagbasagan naman ng mukha sa wala pang talo na si Thurman.
Hindi naman masabi ni Delgado kung anong round pababagsakin ng fighting senator si Thurman pero kung hindi raw mapatumba sa puntos naman ay abanse pa rin ang Pinoy superstar.
“Kung matatamaan ng sentro ni Pacquiao si Thurman malamang na ma-knockout ito,” kuwento pa ni Delgado sa Bombo Radyo. “Kung hindi man ma-knockout si Thurman mananalo pa rin si Pacquiao sa puntos lalo na at marami itong pinapakawalang suntok.”
Si Tatay Ben ay 83-anyos na at aktibo pa rin daw ito paminsan-minsa sa training ng mga bagitong boksingero kung saan nakabasi na siya sa San Jose, California.
Ayon pa sa Davao native, tatlong mga world champions na ang kanyang naging produkto kabilang na si Rolando Pascua at ang pinakasikat sa buong mundo na si Pacquiao.