Tinanggihan na raw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang posibilidad na pagtakbo nito bilang pangulo ng bansa sa ilalim ng partido ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte, ang PDP-Laban.
Sinabi ng isa sa mga tagapagsalita ni Duterte-Carpio na si Liloan, Cebu Mayor Christina Garcia Frasco, sakaling magbago raw ang isip ng nakababatang Duterte ay wala itong balak na makianib sa PDP o maging standard bearer ng partido.
Dagdag ni Frasco, nakapaghain na rin ng certificate of candidacy (CoC) ang Davao City mayor at hindi raw ito aware sa agarang pagbabago sa PDP-Laban.
“Mayor Sara has no intention of becoming a member of PDP or of being its standard-bearer now or in the near future,” ani Frasco sa statement.
Kung maalala, noong Sabado ay naghain ng CoC si Mayor Sara para sa kanyang ikatlong termino bilang alkalde ng Davao City sa kabila nang pangunguna nito sa survey para sa 2022 presidential race.
Ilang ulit na ring tinanggihan ni Duterte-Carpio ang posibilidad na pagsali nito sa kahit anong national party sa kabila ng suporta ng anim na national parties para sa presidential candidacy.
Noong Sabado rin nang ihayag ni Pangulong Duterte ang posibilidad na tandem ng kanyang anak at ni Senator Bong Go na naghain ng CoC para sa pagtakbo nitong bise presidente sa ilalim ng PDP-Laban.