-- Advertisements --

Nakubkob ng militar kaninang umaga ang kampo kung saan nagkukuta ang DAESH-inspired terrorists sa may Barangay Inaladan, Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao.

Ayon kay 6th Infantry Division Commander MGen. Cirilito Sobejana, ang nasabing kampo ay nagsisilbing staging area ng teroristang grupo kaya dito ang concentration ng pwersa ng teroristang grupo.

Nasa 20 mga improvised explosive device, ISIS flag at mga kagamitan sa paggawa ng IED, uniporme at ID ang narekober ng militar.

Kwento pa ni Sobejana sa 20 IED na narekober dalawa dito ang sumabog at tinamaan ang tatlong sundalo.

Simula ng ilunsad ng 6th ID ang kanilang aerial at ground assault nuong Lunes,isang sundalo ang nasawi habang 11 ang sugatan.

Sa panig naman ng teroristang grupo tinatayang nasa 20 ang patay kung saan dalawang cadaver ang narekober kabilang ang isang foreign terrorist na Arab looking na nakilalang si Abu Muktar na buo ang mukha kaya natukoy ang pagkakakilanlan nito.

Sinabi ni Sobejana nakita ang cadaver ni Abu Muktar sa may gilid na bahagi at posibleng nahiwalay sa grupo.

Pinaniniwalaan din na nasawi sa aerial assault sina Salahuddin Hassan, Commander Bastardo at Mawiyah dahil sa nakitang nagkalasog lasog na katawan ng tao.

Kinilala na rin ng militar ang nasa 17 terorista na napatay sa opensiba.

Sa ngayon on the run ang teroristang grupo kung saan patuloy ang ginagawang pressure ng mga government forces at ginagalugad ngayon ng mga tropa ang mga lugar na posibleng pagtataguan ng teroristang grupo.

Ayon naman kay Western Mindanao Command (Wesmincom) spokesperson Col. Gerry Besana, hindi tumitigil ang militar sa pagtugis sa mga terorsitang grupo sa Maguindanao, lanao Del Sur, Basilan at Sulu na sa ilalim ng control ng Wesmincom.