ILOILO CITY-Nakubkob ng militar ang kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Turoturoan, Barangay Cabatangan, Lambunao, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Captain Eric Faller, acting Civil Military Operations officer ng 3O1st infantry brigade ng Philippine Army, sinabi nito na isinagawa ng 12th Infantry Batallion ang raid matapos makatanggap ng impormasyon na may aktibidad ang mga kasapi ng Central Front Komiteng Rehiyon-Panay sa lugar.
Ayon kay Faller, pagdating nila sa hideout ng mga rebelde, wala na silang nadatnan ngunit naiwan ang ilang armas at kagamitan ng mga ito.
Narekober sa lugar ang isang caliber AK47 Rifle, isang Anti- Vehicle Mine, isang Honda EU10i Inverter Generator, isang cannon digital camera, tatlong rifle magazines, pitong cellular phones, mga dokumento at personal na kagamitan ng mga rebelde.
Una nang sinabi ni Brigadier General Marion Sison, Commander ng 3O1st infantry brigade, na naging matapang ang mga residente sa nasabing barangay sa pagreport laban sa mga rebeldeng grupo upang matigil na ang insurhensya sa komunidad.