-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinubkob ng militar ang kuta ng mga rebelde sa bayan ng Janiuay, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Army Major Cenon Pancito III, tagapagasalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nito na nangyari ang engkwentro sa Brgy. Atimonan, Janiuay, Iloilo.

Aniya, nakasagupa ng 12th Infantry Battalion ang tinatayang pitong miyembro ng Central Front Kilusang Rehiyon Panay kung saan tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok.

Wala namang iniulat na namatay sa mga militar ngunit hindi pa masisiguro ni Pancito kung mayroong nasugatan sa rebeldeng grupo.

Kabilang sa mga nakumpiska ng militar sa kuta ng mga rebelde ay M16 rifle, AK47, mga bala, gamit pampasabog at mga dokumento.