ILOILO CITY – Sugatan ang isang sundalo at ilang rebelde matapos kubkubin ang kuta ng New People’s Army sa Sitio Tina, Brgy. Tacayan, Tapaz, Capiz.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Major Cenon Pancito III, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nito na tumagal ng mahigit sa 10 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng rebeldeng grupo.
Ayon kay Pancito, may isang informant na nakapagsabi hinggil sa kuta ng NPA at dahil dito, kaagad na tumungo sa lugar ang mga sundalo ng Alpha Company ng 12th Infantry Battalion sa ilalim ng 301st Infantry Brigade.
Hindi bababa sa 15 NPA members ang nakasagupa ng militar kung saan isang sundalo ang nadaplisan ng bala at pinaniniwalaang marami ang sugatan sa panig ng mga rebelde dahil na rin sa nakitang dugo sa encounter site.
Noong Hulyo 8, habang nagsasagawa ng Community Support Program ang 12th Infantry Battalion sa Brgy. Tacayan, nakasagupa rin nila ang mga rebelde kung saan isang sibilyan ang nasugatan.