ILOILO CITY – Nakubkob ng militar ang pinagkukutaan ng New Peoples Army (NPA) sa Brgy. Nalbang, Leon, Iloilo
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commander ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na bago pa pinasok ng militar ang kuta ng mga rebelde na kasapi ng Suyak Platoon ng Komiteng Rehiyon Panay-Southern Front Committee, may nangyari munang engkwentro na tumagal ng halos 20 minuto.
Ayon kay Batara, isinumbong ng mga residente mismo na may nagtatagong mga rebelde sa lugar.
Nang nagsagawa ng operasyon ang militar, pinaputukan sila ng hindi bababa sa 20 mga rebelde na kaagad namang tumakas.
Nakuha naman sa kuta ng mga rebelde ang tatlong bag packs; dalawang anti-personnel landmines; dalawang magazine ng .45-caliber; isang magazine ng 7.62mm M14 na may live ammunitions; subersibong mga dokumento; at medical paraphernalias.
Aniya, ang ginagawang panghaharas ng rebelde sa militar ay bahagi ng kanilang paggunita sa founding anniversary ng National Democratic Front (NDF) sa Abril 24.
Nanawagan naman si Batara sa mga residente na ipagbigay alam sa mga kinauukulan kung may makitang mga rebelde.