-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagpapagaling na si Kent Ryan Tomao, ang binatang nadiskubre na may nakabaon na kutsilyo sa kanyang katawan sa loob ng mahigit isang taon matapos ang matagumpay nitong operasyon na isinagawa sa Cotabato Provincial Hospital (CPH).

Matatandaang si Kent Ryan Tomao, 25 anyos na taga-Kidapawan, North Cotabato ay nagbabaka-sakaling makapagtrabaho sa isang minahan sa Agusan del Sur ngunit hindi tinanggap ng kompanya mata0pos madiskubre sa x-ray result ang nasabing kutsilyo na may habang 5-pulgada.

Una nang inihayag ni Tomao sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan na nasaksak siya sa kanilang lugar ngunit wala siyang alam na naiwan pala sa loob ng kanyang tiyan ang patalim dahil tinahi naman ng doktor ang kanyang natamong sugat at wala rin siyang naramdamang sakit.

Napag-alamang pina-x-ray siya sa ospital ng naturang kompanya at doon nandiskubre ang lahat.

Sa ngayo’y umaasa si Tomao na makakakita na siya ng trabaho sakaling tuluyan na siyang makakarekober.