-- Advertisements --

Nagpalabas ng entry restrictions ang bansang Kuwait sa sampung mga bansa kabilang na ang Pilipinas.

Simula March 8 ay kailangan munang magpakita ng isang indibidwal ng health certificate mula sa Kuwaiti embassy na sila ay virus-free bago makapasok sa naturang bansa.

Kabilang rin sa nasabing restriction ang mga bansang India, Bangladesh, Egypt, Syria, Azerbaijan, Turkey, Sri Lanka, Georgia at Lebanon.

Ilan naman sa mga OFWs sa bansa sa Middle East ay umaasang sana’y hindi na lumala ang pagkalat ng coronavirus para magbalik normal na ang buhay roon.

Sa panayam naman ng Star FM Baguio kay Bombo International Correspondent Kathryn Gonzales, isang Domestic Helper, at presidente ng isang Filipino organization sa Kuwait, sinabi nitong hindi sila pinapayagan ng kanilang mga amo na lumabas para makaiwas sa kumakalat na sakit.

“Bawat pupunta po dito sa Kuwait, kailangang may dala-dalang certificate na nagsasaad na wala silang sakit na coronavirus para maka-enter sila dito. Sa ngayon, hindi pa kami pinapalabas ng mga amo namin para hindi kami maapektuhan, kayo kumbaga, tiis-tiis lang na wala munang day off. Sana nga matapos na ang problema dito para bumalik na sa normal ang pamumuhay namin dito kasi madami ng nag-aalala tungkol sa virus na ito. Bilang DH, siyempre natatakot din. Mahirap na kapag nahawahan ka, diba? Kung wala namang gagawing importante sa labas, mas mabuti pang mag stay na lang sa bahay para mas safe kaysa makipagsapalaran.”

Sinabi rin nitong patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa nila Pinoy para malaman ang kalagayan ng bawat isa.

“Naka monitor din po kami sa mga kapwa namin mga OFWs dito ngayon. Kung may problema man, matutulungan namin sila.”

Sa tala ay nasa 56 na ang kaso ng coronavirus sa Kuwait, kung saan pangalawa ito sa pinakamadaming kaso sa Middle East.