-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na umamin na ang Kuwaiti national na pangunahing suspek sa pagpatay sa overseas Filipino worker na si Dafnie Nacalaban.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na mayroong valid reports na natatanggap ang kanilang tanggapan na umamin na ang nasabing prime suspect.

Sa ngayon, wala pa aniyang masyadong detalye dahil inaantay pa ang naturang official report.

Sa ngayon, nakakulong na aniya ang Kuwaiti national kasama ang kaniyang asawa, ama at nakababatang kapatid na nag-conceal o nagtago sa kaniya.

Samantala, sinabi din ng kalihim na inaantay pa nila ang magiging aksiyon kaugnay sa indictment ng suspek upang makamit ang hustisya para sa nasawing Pinay worker.

Matatandaan na natagpuan ang labi ni Dafnie na naagnas sa bakuran ng bahay ng isang Kuwaiti national noong Disyembre 31, 2024 matapos iturn-over o isuko ang suspek ng kaniya mismong kapatid.

Sa kasalukuyan, ayon kay Sec. Cacdac nasa 215,000 ang OFWs sa Kuwait.