(Update) BUTUAN CITY – Mas paiigtingin pa umano ng Philippine Army ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga residente matapos makumpiska ang dalawang mga malalaking anti-personnel landmines sa paligid ng nakubkob na kuweba na ginawang ospital ng New People’s Army (NPA) sa may Sitio Bulak, Barangay Lower Olave sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte.
Ayon kay 23rd Infantry Battalion commander Lt. Col. Francisco Molina sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, kaagad silang nagpatrolya matapos na makatanggap ng impormasyon galing sa mga residente ukol sa presensya ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Hanggang sa humantong ito sa kanilang pagkakubkob sa kuweba na maaaring magkasya ang nasa 15 katao kung saan narekober pa sa nasabing lugar ang 2 garand rifles at maraming gamot na pang-opera.
Nakumpiska rin ang dalawang mga malalaking bomba sa paligid ng kuweba.
Kaugnay nito’y nagpasalamat ang opisyal sa mga residente sa pagbibigay sa kanila ng impormasyon dahil kahit na nasa liblib na lugar na ang kuweba ay kanila itong natagpuan dahil sa mahalagang ibinigay na impormasyon.