LAOAG CITY – Ibinahagi ng ilang mga residente sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR) ang kanilang naging karanasan sa magnitude 6.1 na lindol.
Ayon kay Frank Lester Cadiente, na nakatira ng Bulacan, habang nakahiga ay nagulat dahil gumagalaw na nag lahat ng kanilang kagamitan sa bahay.
Sa paglabas nito aniya sa bahay ay ang mukha ng mga taong natatakot ang bumungad sa kanya at wala silang nagawa kundi magdasal habang ang mga poste ng kuryente ay gumagalaw na dahilan rin na kanilang pagkahilo.
Sinabi naman ni Ms. Lady Mae Castillo, taga-Dingras, Ilocos Norte at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Accounting Assistance ng isang Insurance Company sa lungsod ng Makati, nasa ika-30 palapag sila nang lumindol at nasabihang bumaba gamit ang hagdan dahil napagbawalang gamitin ang elevator.
May nakarating pa aniya sa kanyang balita na may nabasag na bintana ng kanilang building dahil sa lakas ng lindol, na itinuturing na pinakamatagal na kanyang naramdaman.
Inihayag naman ni Ms. Dulce Marcelino, tubo sa Solsona, Ilocos Norte at nagtratrabaho bilang Finance officer sa Pasig City, na ang kanyang unang naramdaman ay parang lulubog nag kanilang opisina sa lakas ng lindol.
Dahil dito, pinauwi sila ng maaga para hindi mapahamak dahil sa mga aftershocks na naramdaman.