ROXAS CITY – Patay ang 41-anyos na kuya matapos hampasin ng steel pipe at saksakin ng nakababatang kapatid sa kanilang bahay sa Sitio Guiscan, Barangay Dacuton, Dumarao, Capiz.
Nagtamo ng sugat sa ulo at likod ang biktima na si Jomar Clarin ng nasabing barangay matapos hinampas ng steel pipe at pinagsasaksak ng nakababatang kapatid na si Aljer Clarin 24-anyos.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Dumarao Municipal Police Station na magkasamang dumating ang magkapatid sa kanilang bahay, ngunit dahil pawang lasing ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.
Nagulat na lamang ang biktima ng bigla siyang hampasin sa ulo kasunod ang pagsaksak sa kanyang likod.
Kaagad na dinala sa ospital ang biktima ngunit dineklarang dead on arrival.
Samantala mabilis naman tumakas ang suspek at kasalukuyang pinaghahanap ngayon ng mga otoridad.