Hindi umano masisilayan ng kanyang mga fans si Los Angeles Lakers forward Kyle Kuzma sa pagbubukas ng kanilang regular NBA season kontra sa Los Angeles Clippers sa Miyerkules, Oktubre 23 (Manila time).
Sa pahayag ng koponan, patuloy kasing nagpapagaling si Kuzma mula sa dinaranas nitong stress reaction sa kanyang kaliwang paa.
Natamo ng 24-year-old forward ang naturang kalagayan noon pang kampanya ng Team USA sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Pinayagan naman si Kuzma para sa mga non-contact practices makaraang bumalik ang Lakers mula sa paglalaro ng dalawang preseason games sa China noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Lakers coach Frank Vogel, nais niya raw na pataasin pa ang antas ng aktibidad ni Kuzma bago ito pahintulutang makalahok sa mga laro.
Ang stress reaction ay isang napakasakit na kondisyon na maaaring mauwi sa stress fracture.
“We’re going to try to increase his workload and activities this week and we’ll see where we’re at,” wika ni Vogel.
Isa sa mga inaabangan sa pagbubukas ng bagong NBA season ay ang tapatan ng Lakers, na pinamumunuan nina LeBron James at Anthony Davis, at ng Clippers nina Kawhi Leonard at Paul George sa bakbakang tinaguriang “Battle of Los Angeles.”