Umaasa ang isang political analyst na boboto ang mga mambabatas batay sa competency at credibility ng isang Speaker at hindi base sa koneksyon nito sa business sector.
Ngayong mainit ang labanan sa speakership race, umaasa ang kilalang political analyst na si Ranjit Rye na mag-focus ang mga kongresista sa kwalipikasyon ng isang kandidato sa pagka lider ng Kamara.
Ayon kay Rye dapat maging batayan ng mga mambabatas sa pagboto ang comptency o may mastery of the rules, experience, credibility at gravitas o respetado sa lahat ng sektor.
Kaugnay nito ay kanyang tahasang sinabi na hindi magiging magaling na lider ng Kamara si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa oras na manalo ito sa speakership race.
Ikinumpara pa nito si Velasco kay outgoing Speaker Gloria Macapagal Arroyo na kahit hindi man daw abogado ay mayroon namang malawak na karanasan pagdating sa legislation makaraang maging Pangulo, Bise Presidente at Senador ito.
Hindi rin niya nakikitang bagay sa posisyon si Leyte Representative-elect Martin Romualdez dahil sa aniya’y “highly controversial background” nito dahil sa pagiging malapit na kamag-anak ng mga Marcos.
Kung siya raw ang papipiliin, sinabi ni Rye na si Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano ang dapat manalo sa speakership race dahil sa karanasan nito at respetado sa lahat ng sektor sa loob at labas ng bansa.
Nauna nang ibinunyag ni dating Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang umano’y vote buying speakership race, at isa sa mga iniuugnay rito ay si Velasco, na kapwa niya kandidato para sa speakership race.
Pero mariing itinanggi ni Velasco, na dating supporter ni dating presidential candidate at kasalukuyang Sen. Grace Poe, ang alegasyon na ito at sinabing hindi rin siya naniniwalang basta mabibili ang boto ng mga kapwa niya kongresista.