Ipinakita ng Department of Interior ang Local Government(DILG) ang detention facility na pansamantalang titirhan ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Sa isang pulong balitaan na pinangunahan ng DILG ngayong araw, iprinisenta ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang isang video na nagpapakita sa detention room ni Quiboloy.
Maliban sa room ni Quiboloy, ipinakita rin ang room ng apat na kasamahan kung saan makikita rito ang mga kama, tig-isang electric fan, upuan, lalagyan ng tubig, at maliit na comfort room sa loob mismo ng kwarto.
Makikita ring malinis ang mga naturang room batay sa video na ipinalabas ng DILG.
Una nang sinabi ni Abalos na walang magiging special treatment kay Quiboloy at mga kasamahan, kasunod ng tuluyang pagsasakustudiya sa PNP.
Ang grupo ni Quiboloy ay pawang dinala sa PNP Custodial Center sa Camp General Rafael T. Crame ang national headquarters ng Philippine National Police na nasa Quezon City.
Kasama rin sa nananatili rito ang tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac Alice Leal Guo.