LEGAZPI CITY – Hindi nawawalan ng pag-asa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na patuloy na mabibigyan ng atensyon sa kolehiyo at maituturo sa iba pang unibersidad ang Filipino at Panitikan.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng desisyon ng Korte Suprema na huwag nang isabay sa General Education Curriculum ang mga ito bilang core subjects o magiging optional na lamang ang pagtuturo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Komisyoner Abdon Balde Jr., kinatawan ng Wikang Bicol sa KWF, nakadepende pa rin aniya sa mga paaralan ang magiging pasya lalo pa at itinuturo naman sa K-to-12 program hanggang Senior High School ang naturang mga subjects.
Subalit iginiit ni Balde na bilang bahagi ng komisyon, nais sana nilang mai-promote ang wikang Filipino subalit mahalaga pa rin aniya ang pagsunod.
Sa kasalukuyan, plano ng KWF na maglibot sa mga paaralan upang makumbinsi ang mga ito na ituro pa rin ang naturang mga subjects.