Nagbabala si Kyiv Mayor Vitali Klitschko sa Ukrainians na maging alerto mula bukas, Mayo 8 hanggang sa araw ng Lunes, Mayo 9, ang taunang pagdiriwang ng Victory Day ng Russia mula sa Nazism noong World War II.
Ang babalang ito ng opisyal ay kasunod ng naging pahayag ng Western officials sa posibleng pormal na pagdedeklara ni Russian President Vladimir Putin ng giyera sa Ukraine sa mismong May 9 na isang symbolic day para sa Russia na magbibigay daan sa pagusad ng plano ni Putin.
Bagamat hindi pa opisyal na nagpapatupad ng curfew ang alklade ng Kyiv ng curfew, walang isasagawang mga events sa naturang mga araw bagkus ay papaigtingin ang pagpapatrolya ng security forces sa kabisera.
Ayon kay Klitschko , sinuman na nais na mag-alay ng mga bulaklak sa kanilang pamilya na nagbuwis ng buhay ay maaaring gawin na lamang ng pribado. Mariin din nitong ipinaalala sa mga mamamayan na sumunod sa wartime security rules.
Hiniling ni Klitschko sa mga residente sa Kyiv na huwag balewalain ang air alarm signals at nagbabala sa mataas na tiyansa ng inaasahang pag-atake ng missile shelling sa lahat ng rehiyon ng Ukraine sa mga susunod na araw.