Kompleto na naman ang Big Three ng Brooklyn Nets dahil sa pagbabalik na kanina ng NBA superstar na si Kyrie Irving.
Nagtala ng come-from-behind win ang Brooklyn, 129-121, laban sa Indiana Pacers para matuldukan ang tatlong sunod-sunod na talo.
Inabot din ng 35 games na hindi nakapaglaro ngayong season si Irving dahil sa isyu na hindi ito nagpapabakuna hanggang ngayon.
Sa kanyang debut game, agad naman siyang isinama sa starting lineup kasama sina Kevin Durant at James Harden.
Sa una ay halata pa na medyo may kalawang sa kanyang laro si Irving pero sa huli ay bumalik ang galing nito sa pagiging veteran point guard.
Inabot din ng 32 minutes sa court si Irving na may 22 points, apat na assists, tatlong steals at tatlong rebounds.
Naipasok din niya ang apat sa free throw line pero inalat sa three point area habang nagpasok siya ng siyam sa 17 field goal attempts.
Kung maalala maaari lamang makapaglaro sa road games si Irving at hindi pupuwede sa New York na mahigpit ang patakaran laban sa mga unvaccinated.
Samantala kumayod naman ng husto sina Durant na may 39 points at si Harden na nag-ambag ng 18 puntos para sa kanilang natipon na 24 na panalo.
Sa fourth quarter nakabawi ng husto ang Nets at hindi na kinaya pa ng Pacers (14-25) ang matinding opensa nina Durant.
Sa kabuuan mas maangas din ang Brooklyn sa 56% overall kumpara sa Indiana na nagtapos lamang sa 49%.
Sa ngayon umabot na sa anim na talo na magkakasunod ang natikman ng Pacers.
Hindi rin umubra ang ginawa nina Domantas Sabonis na may 32 points, 12 rebounds at 10 assists at ang may 10-day contract na si Lance Stephenson na bidang-bida rin matapos magpakawala ng 30 puntos.
“Just go out there and have fun doing what we love to do,” ani Irving na labis na pinuri ni Durant matapos ang game. “It was a not-so-good first half for us and we came in the locker room and we knew that in order to build this identity that we want to have later in the season we got to start now.”