Pinatawan ng NBA ng $50,000 (katumbas ng P2.4-milyon) si Brooklyn Nets superstar Kyrie Irving dahil sa ginawa nitong paglabag sa health and safety protocols ng liga.
Ayon sa NBA, ito raw ay dahil sa pagdalo ni Irving sa umano’y isang family birthday party ngayong buwan nang walang suot na face mask.
Maliban dito, sinabi rin ng liga na ipo-forfeit din ni Irving ang nasa mahigit $800,000 nitong sahod sa dalawang larong hindi nito nadaluhan sa nakalipas na linggo.
Una rito, limang games nang hindi nasisilayan ang 28-year-old dahil sa hindi pa mabatid na personal na rason.
Inaasahan namang makakabalik na si Irving sa Linggo (Manila time) sa laban ng Nets sa Orlando Magic matapos makumpleto ang limang araw na quarantine kung patuloy itong magnegatibo sa COVID-19.