Pinapaboran ngayon ng halos kalahati sa mga general managers ng NBA ang Los Angeles Clippers bilang magkakampeon sa 2019-20 season.
Ito ay batay sa 18th annual NBA.com GM Survey kung saan 46% ang pumanig sa Clippers bilang aagaw sa trono ng Toronto Raptors.
Maliban dito, napili rin ng mga GM si kawhi Leonard bilang pinakamagaling na small forward ng liga.
Ito ang unang pagkakataon mula noong 2005 na may ibang players bukod kay LeBron James na nakatipon ng pinakamataas na boto sa nasabing kategorya.
Sa kabuuan, 50 tanong ang sinagot ng mga general managers kaugnay sa nalalapit na season.
Nakabuntot sa Clippers ang Milwaukee Bucks (36%); at ang Los Angeles Lakers (11%).
Noong nakaraang taon, nakuha ng Golden State Warriors ang 87% ng mga boto.
Samantala, si Giannis Antetokounmpo ng Bucks ang paborito na magbulsang muli ng league MVP award sa 52%.
Tabla naman sa second spot sina Leonard, Stephen Curry ng Warriors, at Anthony Davis ng Lakers na mayroong tig-10%.
Kay Zion Williamson naman kumampi ang 68% para sa NBA Rookie of the Year.