-- Advertisements --

Pormal nang inanunsyo ng Los Angeles Lakers na hindi raw muna sila magsasagawa ng anumang uri ng selebrasyon bilang pag-iingat sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasunod ito ng pagkakasungkit nila ng kampeonato sa NBA Finals matapos ang isang dekada.

Sa pahayag ng Lakers, matapos ang kanilang konsultasyon sa mga city authorities ay nagkasundo sila na gawin na lamang ang pagdiriwang sa oras na ligtas na itong gawin.

“We cannot wait to celebrate our NBA title with our fans,” saad ng Lakers. “After consulting with the City and the County, we all agree that a joyful and inclusive public celebration will take place as soon as it is safe to do so. In the meantime, thank you again, Lakers Nation, for your support!”

Sa kasalukuyan, nakabalik na sa Los Angeles ang koponan.

Una rito, nasa 1,000 katao ang nagtipon-tipon sa downtown matapos ang tagumpay ng Lakers kontra sa Miami Heat sa Game 6 kung saan ang iba ay nagtungo pa sa home court ng koponan sa Staples Center.

Kalaunan ay naging magulo ang sitwasyon kaya napilitan ang mga pulis na dakpin ang nasa 76 indibidwal.

Nagpaalala naman si Los Angeles Mayor Eric Garcetti na bawal pa rin ang mga public gatherings at kung gusto raw talaga ng mga fans na magdiwang ay sa bahay na lang daw muna ito dapat idaos.