Itinaas na ang La Niña alert sa Pilipinas kasabay ng lumalaking posibilidad na mabuo ito sa mga susunod na buwan.
Ayon sa weather agency ng Department of Science and Technology (DOST), mayroong 70% na probability na mabuo ang La Niña condition sa loob ng August-September-October 2024 season.
Ito ay maaari umanong magpatuloy sa unang kwarter ng 2025.
Noong Hulyo-9 ay unang tinaya ng state weather bureau na maaaring mabuo ang La Niña sa huling kwarter ng taon ngunit ngayon ay inaasahang mas maaga na ang pagpasok nito.
Ang La Nina ay inaasahang maghahatid ng mas madalas at malalakas na pag-ulan kaysa sa normal na nararanasan.
Maaari ring magdulot ito ng mas malamig na temperatura kaysa sa normal na nararanasan.
Kaakibat din ng naturang weather phenomenon ang mas maraming tropical cyclone o mga bagyong mabubuo na posibleng magdadala sa mabibigat na pag-ulan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Babala ng ahensiya, maaring magdulot ito ng mga biglaang pagbaha, matagal na paghupa o pagbaba ng tubig sa mga katubigan, pagguho ng lupa lalo na sa mga vulnerable areas, at iba pa.
Pinayuhan na rin ng ahensiya ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan kasama na ang publiko, na gumawa ng kaukulang hakbang bilang inisyal na paghahanda sa mapaminsalang La Niña.