-- Advertisements --

Umaasa ang Department of Energy (DOE) na mapapababa ang mataas na demand sa kuryente, kasabay ng pag-iral ng La Niña ngayong taon.

Ayon kay DOE Sec. Rafael Lotilla, maaaring bababa ang demand sa kuryente ngayong taon kasabay ng pag-iral ng naturang phenomenon dahil tiyak na magdudulot ito ng mas malamig na klima.

Sa pamamagitan nito ay umaasa ang ahensiya na bababa ang konsumo sa mga cooling appliances tulad ng mga air conditioning unit.

Una nang naitala ng DOE ang pagnipis ng supply ng kuryente nitong nakalipas na taon dahil sa mahaba-habang panahon na umiral na El Niño sa malaking bahagi ng bansa.

Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na patuloy itong nakabantay sa supply at reserba ng kuryente sa bansa upang matugunan ang demand at konsumo.

Binigyang-diin din nito ang pangangailangang makapagtayo ng mga bagong renewable energy source tulad ng mga solar power plant na mas mabilis lamang ipatayo.

Sa nalalapit na pagpasok ng summer season, tinitiyak ng ahensiya na mayroong sapat na supply ng kuryente para tugunan ang demand ng mga power consumer.