Inanunsiyo ng state weather bureau na opisyal nang natapos ang La Niña na hudyat ng pagbabalik ng neutral climate conditions.
Base sa pinakabagong climate monitoring ng bureau, ang sea surface temperatures sa central at equatorial Pacific ay bumalik na sa El Niño-Southern Oscillation o ENSO-neutral conditions na nangangahulugan na walang La Niña o El Niño sa kasalukuyan.
Tinataya naman ng bureau na sa pagtatapos ng La Niña magkakaroon ng pagbabago sa panahon, kabilang ang pagbaba ng above-normal rainfall sa ilang parte ng Luzon, Bicol, Eastern Visayas at northeastern Mindanao.
Inilipat naman ang ENSO Alert and Warning System sa “inactive” na ibig sabihin ay walang inaasahang mamumuong La Niña o El Niño sa susunod na tatlong buwan.
Inaasahan naman na iiral ang neutral conditions hanggang sa Setyembre, Oktubre at Nobiyembre ng kasalukuyang taon.
Kasunod ng pagtatapos ng La Niña, patuloy naman ang babala ng state weather bureau sa publiko sa nagpapatuloy na warm at dry season para maiwasan ang heat stress at iba pang panganib sa kalusugan dala ng mainit na panahon.