Inaasahan na marami ang maitutulong ng PBA star na si LA Tenorio para sa pagpapabuti ng mga batang player ng Gilas Pilipinas Youth bilang head coach nito matapos siyang italaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Ayon kay SBP President Al Panlilio, si Tenorio ay isang mabuting halimbawa ng pagiging lider at tiyak na mayroon din siyang maibabahaging aral sa mga manlalaro ng Batang Gilas hindi lamang sa training bagkus pati na rin sa buhay.
Dagdag pa niya, magiging tulay ang bagong head coach ng koponan sa elite team ng bansa lalo pa’t may magandang relasyon siya kina Coach Norman Black na nag-umpisa ng programa, at Coach Tim Cone na kasulukuyang head coach naman ng Gilas Pilipinas.
Dahil dito, ang tinyente ng GinKings ay excited at nakahanda na sa panibagong hamon ng pagpapalakas at pagtulong sa mga kabataan na may dedikasyong maglaro para sa Gilas.
Kaya naman nais ni Coach LA na gamitin ang parehas na sistema ni Coach Tim Cone sa Gilas upang mapadali umano ang transition ng mga batang players patungo sa men’s team.
Gayunpaman, hindi niya isinatabi ang nararamdamang pressure sa bagong role sapagkat ayon sa kanya ay hindi madaling mapantayan ang nagawa ng dating coach lalo pa’t dalawang World Cups na ang kanilang nasalihan.
Si Tenorio ay maalalang matagal ng naging parte ng Gilas Pilipinas simula pa noong 2012 na nag-champion sa Jones Cup at nanalo ng silver medal naman sa taong 2013 ng FIBA Asia Championship.