LA UNION – Naghigpit na rin ang pamahalaang panlalawigan ng La Union sa pag-aangkat ng mga alagang hayop o livestock at mga meat products kasunod sa nangyaring pagkamatay umano ng mga baboy sa ilang lalawigan dahil sa hindi pa natutukoy na sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay La Union Provincial Veterinary Officer Dr. Nida Gapuz, sinabi nito na layunin ng kanilang paghihigpit na hindi mahawaan ang mga alagang baboy laban sa umano’y nakamamatay na karamdaman.
Napag-atasan ang mga nangangasiwa sa anim na quarantine check point na matatagpuan sa mga lagusan na papasok at palabas ng La Union na tiyakin na nakabantay ang mga ito magdamag at huwag basta papasukin ang mga produkto ng walang permit.
Ayon pa kay Dr. Gapuz, hindi muna papayagan na makapasapok sa lalawigan ang mga alagang baboy na inaangkat mula sa Rizal at Bulacan kung saan doon napabalita ang umano’y pagkamatay ng maraming alaga.
Samantala, nanawagan naman si Dr. Gapuz sa mga maghahayop na sa mga slaughter house ipakatay ang mga ito upang masuri at matiyak na malusog ang karne na kakainin o ipagbibili mula sa anumang sakit.
Tiniyak din nito na sapat naman ang suplay ng karne sa mga pamilihan sa lalawigan.