LA UNION – Hindi umano makakaapekto sa kanyang pagtakbo bilang kandidato sa pagka-alkalde sa May 13, 2019 election ang pagkakasuspinde kay San Fernando City Mayor Hermenegildo “Dong” Gualberto dahil sa isyu ng umano’y anomalya sa pagpapatupad nito sa rehabilitasyon ng Phase 1 and 2 ng City Plaza.
Ayon kay Atty. Rizalde “Zaldy” Laudencia, hindi pa umano natatangap ni Mayor Dong ang kopya ng nasabing kautusan na ipinalabas ng Ombudsman hanggang kahapon Abril 29, 2019.
Aniya, hindi magiging basehan ang paglabas ng preventive suspension laban kay Mayor Dong na ito ay guilty hangga’t wala pang konhkretong ebidensya na makakapagturo laban dito.
Kaugnay nito, maari pa rin magsampa ng motion for reconsideration si Mayor Dong upang dipensahan ang naturang akusasyon laban sa kanya.
Sinabi pa ni Atty. Laudencia, kung manalo si Mayor Gualberto ay ipoproklama siya ng Commission on Election (Comelec) dahil siya ang ibinoto ng mga tao.
Una rito, nasa 47 mula sa 59 na barangay captains ang nagpirma ng reklamo laban kay Mayor Dong dahil umano sa pagkakaroon ng anomalya sa pagpapatupad ng rehabilitasyon ng Phase 1 and 2 ng City Plaza.
Si Atty. Laudencia na tagasuporta ni Mayor Dong ay nagsilbing agent at imbestigador ng National Bureau of Investigation (NBI) at Ombudsman at sumailalim sa anti-graft at fraud trainings sa pangunguna ng Commission On Aaudit (COA) at iba pang ahensya.