Itinuturing ni Pinoy IBF superflyweight champion Jerwin Ancajas na pinakamahirap ang kanyang ika-siyam na pagdepensa sa kanyang korona kahapon kontra sa Mexican challenger na Jonathan Javier Rodriguez.
Kung maalala nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision si Ancajas makalipas ang 12 rounds na ginanap sa Amerika.
Ayon kay Ancajas, sa buong akala niya ay titiklop na ang Meksikano nang mapabagsak niya ito sa eight round.
Aminado si Ancajas na bumilib din siya sa challenger dahil sa tibay ng puso, tapang at determinasyon.
Napansin din daw ng kampeon na pinag-aralan ng husto ng kanyang karibal ang kanyang mga suntok kaya raw nababasa ito.
Makikita rin daw na handa talagang makipagbasagan ng mukha si Rodriguez upang maagaw ang kanyang korona.
Kuwento pa ng 29-anyos na si Jerwin na tubong Panabo, Davao del Norte, ang naging laban niya kahapon ang pinakamabigat sa matagal na niyang pagdepensa sa korona.
Si Jerwin ay kabilang sa mga boksingero sa ilalim ng promotional conmpany ni Senator Manny Pacquiao.