BAGUIO CITY – Umiinit na ang labanan para sa 2020 United States Presidential Primary Elections.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Jun Villanueva na isang OFW sa California, inihayag niyang mainit na ang labanan sa pagitan ng dalawang kandidato ng Democratic Party.
Aniya, kung sinUman ang mananalo kina Joe Biden at Bernie Sanders ay siyang makakalaban ni US Pres. Donald Trump sa presidential elections sa Nobiyembre.
Inihayag ni Villanueva na kailangang magkaroon ng 1,991 na boto ang isang kandidato para makuha nito ang nominasyon ng kanyang partido politika.
Sa kabila nito, sinabi niya na hindi naman masyadong tensyonado ang primary elections dahil boluntaryo namang umuurong sa laban ang ibang kandidato para sa kanilang ka-partido.
Idinagdag ni Villanueva na malapit nang matapos ang 2020 US Primary Elections lalo na at mabilis ang pagbilang ng mga boto doon.