-- Advertisements --

Mas umigting pa ang palitan ng mga airstrike at pambobomba sa pagitan ng pwersa ng Israel at militanteng Hamas mula sa Gaza matapos masawi ang halos 200 katao doon sa Gaza sa nakalipas na 24 oras sa gitna ng kampanya ng Israel na malansag ang Hamas.

Kinumpirma ng Gaza health authorities na karagdagang 187 pa na mga Palestino ang napatay sa strikes ng Israel sa nakalipas na 24 oras kayat pumapalo na sa 21,507 ang kabuuang death toll doon na katumbas ng 1% ng populasyon sa Gaza.

Libu-libong mga biktima naman ang pinangangambahang nabaon sa mga gumuhong gusali.

Ito ay kasunod ng inilunsad na tank fire at aerial bombing ng Israel na tumama sa Khan Younis na isang lungsod sa southern Gaza strip.

Ang pag-atake ng Israeli forces sa Khan younis ay bilang paghahanda para umabanse sa main southern city kung saan malaking bahagi nito ay nakubkob ng Israeli forces sa unang bahagi ng Disyembre.

Sinabi din ni Defense Minister Yoav Gallant na sinusuyod ng kanilang tropa ang mga command center ng Hamas at arm depots. Kung saan nasira umano nila ang isang tunnel complex sa basement ng isa sa mga bahay ng Hamas leader for Gaza na si Yahya Sinwar sa Gaza city.

Maliban sa naturang siyudad, naglunsad din ng ilang serye ng air strikes sa Nuseirat camp sa central Gaza strip.