-- Advertisements --

Plano ng Philippine Air Force (PAF) na dalhin sa Villamor Airbase ang labi ng dalawang piloto ng FA-50 fighter jet na bumagsak sa Bukidnon para gawaran ng funeral honor at parangal.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, inaasahan nila ang pagdating ng labi ng mga piloto sa Metro Manila bukas o ngayong weekend.

Sa ngayon ayon kay Col. Castillo, nagpapatuloy pa ang retrieval operation at pagkatapos ay dadalhin sa Cagayan de Oro City ang mga labi para sa forensic examination at saka raw sila magri-request sa pamilya ng mga piloto na maihatid ang mga labi papunta dito sa Metro Manila para magawaran ng parangal.

Tiniyak ng PAF sa publiko na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa naturang insidente.

Kasabay nito, hinihimok rin ni Castillo ang publiko na makiisa sa kanila at kilalanin ang katapatan, serbisyo at kabayanihan ng mga nasawing piloto.