Nagluluksa ang mga kaanak ng dalawang Pinoy na tripulante ng bulk carrier M/V True Confidence na namatay sa missile strike sa Gulf of Aden sa kanilang pagtanggap ng labi ng kanilang mga mahal sa buhay sa NAIA cargo area sa Pasay City.
Ang dalawang seafarer ay kabilang sa 15 Filipino crew members na nakasampa sa MV True Confidence nang salakayin ng mga rebeldeng Houthi noong Marso 6 habang naglalayag sa Gulf of Aden.
Nakauwi na sa bansa ang natitirang 13 tripulante at nabigyan ng kinakailangang tulong ng gobyerno.
Ang mga labi ng dalawang seafarer ay inihatid pauwi dito sa PH ng Dubai Labor Attaché John Rio Bautista.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga opisyal ng DMW at OWWA ay sa mga naulilang pamilya ng 2 nasawing tripulanteng Pinoy at tiniyak ang kinakailangang tulong.
Ang DMW, DFA, at OWWA, sa pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng barko at local manning agencies, ay nagtukungan para sa pagkuha at pagpapauwi ng mga labi ng mga marino.
Sa utos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang DMW at OWWA ay patuloy na tutulong sa mga pamilya ng mga marino habang sila ay dumaraan sa mahirap na pagsubok.