Naiuwi na sa India ang mga labi ng 45 manggagawang Indian nationals na nasawi sa nasunog na residential building sa Mangaf city, Kuwait noong Miyerkules.
Una ng iniulat ng Kuwaiti authorities na nasa 50 katao ang nasawi sa sunog kabilang ang 45 mula sa India, 3 mula sa Pilipinas habang 2 pa ang hindi natutukoy.
Ayon kay Indian Minister Kirti Vardhan Singh na personal na nagtungo sa Kuwait matapos ang insidente, nagsagawa na ng DNA tests para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Kabilang sa mga manggagawang Indian national na nakumpirmang nasawi ay 23 nagmula sa Kerala state, 7 mula sa Tamil Nadu, tig-3 mula sa Andhra Pradesh at Uttar Pradesh, 2 mula sa Odisha at tig-1 mula sa Bihar, Punjab, Karnataka, Maharashtra, West Bengal, Jharkhand at Haryana.
Ayon sa Indian Minister, inareglo ng Indian government ang isang special Air Force flight para maiuwi ang mga labi ng mga nasawi nilang kababayan. Naglanding ito sa Kochi city ng Kerala umaga ng Biyernes saka dinala sa Delhi.
Nasa dose-dosena ding manggagawa na karamihan ay Indian national ang nasugatan sa sunog.
Samantala, inanunsiyo naman ng state at federal governments na magbibigay sila ng kompensasyon sa naulilang pamilya ng mga nasawi sa sunog.