-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Kinumpirma ni Camalig Mayor Caloy Baldo na dala na ng mga responders pababa ng Bulkang Mayon ang labi ng apat na mga biktima na sakay ng bumagsak na Cessna 340A plane.

Ito matapos ang matagumpay na paglalagay ng safety ropes na nagsisilbing gabay sa pagbaba ng mga ito.

Nabatid na sinasamantala ng mga responders ang maayos na lagay ng panahon upang tuluyan nang matapos ang kanilang misyon, mahigit isang linggo matapos ang pagbagsak ng naturang aircraft malapit sa dalisdis ng bulkan.

Hinati sa apat na teams ang responders na binubuo ng mga tauhan ng Naval Special Operations Group, Bureau of Fire Protection – Search and Rescue Force, Philippine Air Force, mountaineers, local guides, porters, at Philippine Army habang ang mga tauhan naman ng Philippine National Police ang nangunguna sa ground security.

Samantala, sinunod ng mga responders ang suhestyon ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na 20 katao ang magtulong-tulong sa baway cadaver upang hindi mahirapan ang mga ito lalo pa at ramdam pa rin sa lalawigan ang malakas na hangin na dulot ng Amihan.