Naiuwi na rin sa UK ang labi ng pumanaw na dating miyembro ng sikat na bandang One Direction na si Liam Payne nitong gabi ng Miyerkules makalipas ang 3 linggo mula ng pumutok ang balita ng biglaang pagpanaw nito matapos mahulog mula sa hotel balcony sa Buenos Aires sa Argentina noong Oktubre 16.
Naantala kasi ang pagturn-over ng mga awtoridad sa labi ng singer sa kaniyang pamilya dahil sa isinagawang autopsy at iba pang pagsusuri para masigurong walang foul play sa pagkamatay ng pop star.
Ang ama ni Liam na si Geoff Payne ang nag-uwi ng labi ng British singer para sa burial.
Magdaraos ng isang memorial service sa pumanaw na singer bago ito ilibing. Inaasahan namang magiging pribado ang naturang memorial service at tanging malalapit lamang na kaibigan ang papayagan. Inaasahan naman na dadalo sa service ang iba pang 1D members na sina Zayn Malik, Harry Styles, Niall Horan at Louis Tomlinson.