BAGUIO CITY – Ibinabiyahe na pauwi sa kanilang bahay sa Tapapan, Bauko, Mountain Province ang bangkay ng Igorot police personnel na nasawi sa buy-bust operation ng mga ito sa Antipolo City kamakalawa.
Nakilala itong si Pat. Ariel Ingosan Dapyawen, 33-anyos, miyembro ng Intelligence Unit ng Antipolo PNP at residente ng nabanggit na lugar.
Una rito, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Sagipin, Dela Paz, Antipolo City laban sa magkapatid na parehong kasapi ng isang gun-for-hire at robbery group.
Ayon sa pulisya, biglang tumakbo ang mga suspek nang mahalata nilang undercover ang dalawang katransaksyon nila kung saan isa rito si Dapyawen.
Pumasok ang mga suspek sa isang residential unit na pinaniniwalaang hideout ng mga ito at doon nila pinagbabaril ang mga pulis na nagresulta sa maraming beses na pagkabaril ni Dapyawen at sa pagkabaril ng tiyan ng kasama niya.
Dinala sila sa pagamutan ngunit namatay si Dapyawen habang ginagamot ito.
Namatay din ang dalawang suspek matapos makipagbarilan sa mga backup police officers.
Personal na ibinigay ni PNP Chief Oscar Albayalde ang Medalya ng Kadakilaan kay Dapyawen dahil sa kabayanihan nito.
Napag-alamang naka-leave si Dapyawen at uuwi na sana ito sa probinsiya ngunit pinili niyang makibahagi sa nasabing operasyon at nakatakda pa itong ma-promote bilang police corporal sa susunod na buwan.