DAGUPAN CITY — Kasalukuyan nang nilalamayan ang mga labi ng isa sa mga nasawing Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nangyaring sunog sa isang gusali sa Kuwait na si Edwin Petilla.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sally Fernandez, panganay na kapatid ng biktima, sinabi nito na nangingibabaw pa rin ang nararamdaman nilang sakit at paghihinagpis sa sinapit ni Edwin lalo na’t hindi basta-basta ang pagkawala nito.
Ani Fernandez na nakatakdang dumating ang tatlo nitong mga kapatid mula sa ibang bansa sa 24 habang napagdesisyunan nilang gaganapin ang paghatid kay Edwin sa huli nitong hantungan sa susunod na Sabado, Hunyo 29.
Pagbabahagi nito na mahirap pa ring tanggapin ang nangyari sa kanyang kapatid at ang kanyang tanging pinagdarasal ay unti-unti na matanggap nila ito dahil sa ngayon ay nasa state of shock pa rin sila.
Dagdag pa nito na hindi nito lubos maisip na nangyari ito sa kanyang kapatid na isinalarawan nito bilang napakabuting tao.
Nakalagak ang mga labi ng biktima sa kanilang tahanan sa Brgy. Talogtog sa bayan ng Mangaldan.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay sa naulilang mga mahal sa buhay ng biktima si Ernie Cuison, Migrant Desk Officer sa nasabing bayan.
Sa kaugnay na panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na nagpaabot na sila ng tulong sa mga ito alinsunod sa natanggap nila na memorandum mula sa Department of Migrant Workers.
Personal sila na nagtungo sa tahanan ng biktima upang iabot ang pinansyal na tulong sa pamilya ng biktima at gayon na rin ang iba pang mga benepisyo na ibibigay sa mga ito.