Narekober na ang labi ng lahat ng 67 nasawi sa US mid-air collision ng American passenger jet at US Army helicopter na bumagsak a Potomac River malapit sa Washington D.C.
Sa isang statement mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na kasama sa recovery effort, kinumpirma ng mga ito na natukoy na rin ang pagkakakilanlan ng halos lahat maliban lamang sa isang nasawi sa plane crash.
Tinawag naman ng mga opisyal ang pagkakakumpleto ng paghahanap sa mga katawan ng mga biktima bilang isang mahalagang hakbang tungo sa tuluyang “closure” para sa mga pamilya ng nasawi sa aksidente noong Enero 29.
Patuloy naman ang pagtratrabaho ng mga rescuers sa pagrkober sa wreckage ng passenger plane mula sa napakalamig na tubig ng Potomac River.
Sa ngayon, narekober na ng mga crew ang mga piraso ng eroplano kabilang ng right wing, center section ng fuselage, parte ng left wing, tail cone at rudder ayon sa National Transportation Safety Board.
Sa military chopper naman, sisimulan ang pagrekober dito sa oras na matapos na ang pag-retrieve sa passenger jet.