ROXAS CITY – Iuuwi sa Quezon province ang labi ng lalaking namatay matapos tamaan ng kidlat sa Barangay Malocloc Sur, Ivisan, Capiz.
Kinilala ang namatay kay Frederick Medalla, tubong Quezon province ngunit nakapag-asawa sa bayan ng Ivisan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa asawa ng biktima, hinihintay na lamang umano nilang makarating ng bansa ang kapatid ni Medalla mula sa Qatar bago i-biyahe ang labi ng namatay nitong asawa.
Nabatid na mula sa ilog ang biktima kasama ang dalawang kumpare nito na sina Fredy Uadan at Danilo Macato.
Habang malakas ang ulan ay patuloy sa paglalakad ang tatlo sa taniman ng palay nang bigla na lamang umanong kumidlat.
Dito ay tinamaan ng kidlat sina Medalla at Uadan habang nakaligtas naman si Macato na noo’y malayo umano ang distansiya sa dalawa.
Dinala pa sa Roxas Memorial Provincial Hospital ang mga biktima ngunit kaagad ring binawian ng buhay si Medalla.
Patuloy naman na ginagamot ngayon sa ospital si Uadan.