CAUAYAN CITY – Nakaburol na sa kanilang tahanan sa Balagan, San Mariano, Isabela ang bangkay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagpakamatay sa Oman.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Albert Dimaano, marketing officer ng agency na nagpadala kay Analiza Laman Cagurangan, na magbibigay ang kanilang kompanya ng tulong pinansiyal sa mga naulilang anak at sa pamilya ng Pinay worker maliban pa sa tulong na ibibigay ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA)-Region 2.
Nagulat umano sila nang makita si Analiza na nagbigti gamit ang kumot na itinali nito sa ceiling fan na nasa loob ng kuwarto.
Sinabi naman ni Councilor Susan Duca, chairman ng committee on justice and human rights ng San Mariano, na mabilis ang pagpapauwi ng bangkay ni Analiza sa bansa dahil agad nakipagtulungan sa kanila ang asawa nito na siyang tatanggap at nilagdaan ang mga dokumento na kinakailangan sa pagpapauwi sa tulong ng OWWA, Department of Foreign Affairs, at Department of Labor and Employment.