Naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng isang overseas Filipino worker (OFW) na isa sa mga namatay sa aksidente sa Singapore.
Tinanggap ng pamilya ni Arlyn Nucos, na tubong bayan ng Caba, La Union, ang kanyang labi sa Clark International Airport sa Pampanga.
Nananatili naman sa isang ospital sa Singapore ang nakatatandang kapatid ni Arlyn na si Arceli na isa rin sa mga sugatan sa trahedya.
Maliban kay Arlyn, patay din ang OFW na si Abigail Leste habang mayroon pang tatlong iba na sugatan.
Maaalalang naganap ang insidente nitong Linggo ng hapon sa labas ng Lucky Plaza shopping center kung saan nawalan umano ng kontrol ang isang sasakyan at bumangga sa mga metal railing hanggang dumiretso sa kinaroroonan ng mga anim na Pinay.
Tiniyak naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac na makatatanggap ng tulong at suporta ang pamilya ng mga biktima.
“Itong si Arlyn ay dapat talaga nating parangalan bilang OFW na 30 taon sa Singapore. Binuhay niya ang kaniyang pamilya sa kaniyang pagod at hirap sa Singapore,” wika ni Cacdac.
Naaresto naman ng mga otoridad ang driver habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.