-- Advertisements --
jullebee 1

Naging emosyonal ang pamilya ng kababayan nating Overseas Filipino Worker sa Kuwait na si Jullebee Ranara nang ito ay makarating muli sa Pilipinas.

Sa halip kasi na maging masaya ay pagluluksa ang kanilang gagawin ngayon matapos na masawi si Jullebee nang dahil sa karumaldumal na sinapit nito sa kamay ng anak ng kaniyang mga amo.

Bandang alas-9:34 ng gabi kagabi dumating sa Pilipinas ang eroplanong may dala sa kaniyang bangkay na may flight number na EK334.

Panggagahasa, nabuntis, dalawang beses na sinagasaan, sinunog at inabanduna sa isang disyerto sa Kuwait ang karumaldumal na inabot ni Jullebee sa pangmamaltrato ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnel Ignacio, tumanggi munang humarap sa media ang pamilya nito para sa kanilang hiling na “privacy” upang mabigyan aniya sila ng pagkakataon na makapagluksa sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

Dagdag pa ng opisyal, sa ngayon ay nakikipagtulungan na aniya ang Pilipinas sa gobyerno ng Kuwait upang mapanagot ang lahat ng may sala sa naturang insidente para na rin sa pagkamit sa hangad na hustisya ng naulilang pamilya ng biktima.

Kasabay nito ay tiniyak niya na ng magpapaabot ng kaukulang tulong ang pamahalaan para sa nasabing pamilya.

Samantala, tanging asawa at mga kapatid lamang ni Jullebee ang nagtungo sa Ninoy Aquino International Airport kagabi kasama sina Ignacio, Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople, at Senator Raffy Tulfo para salubungin ang pagdating ng kaniyang mga labi.

Pagkatapos nito ay agad itong isinakay sa isang ambulansya at saka ito dinala sa isang punerarya kung saan ito muling isasailalim ng National Bureau of Investigation sa otopsiya na alinsunod na rin sa kagustuhan at kapanatagan ng loob ng pamilya Ranara.

Dahil dito ay bukas pa, Enero 29, masisimulan ang burol para sa kaniya sa Las Piñas City na magtatagal naman hanggang dalawang linggo.