GENERAL SANTOS CITY – Bumaha ng luha mula sa mga kaanak ng Pinay domestic helper nang dumating ito na nakakahon na at malamig na bangkay sa General Santos City International Airport.
Pasado alas-8:00 ng umaga ng dumating ang labi ni Jeanelyn Padernal Villavende na taga-Barangay Tinago, Norala, South Cotabato, na minaltrato at pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.
Emosyunal ang mga kaanak habang naghihintay at napahagulgol nang makita ang kahon na kinalalagyan ng labi nito.
May dala namang tarpaulin ang mga kaanak na may nakasulat na “Justice for Jeanelyn” at kinokondena ang pagpatay sa mga employer nito sa Kuwait.
Idineretso agad ang bangkay ni Jeanelyn sa National Bureau of Investigation para sa autopsy upang masiguro kung tama ang inilabas na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Napag-alaman na bumigay umano ang puso at baga ni Villavende dahil sa pambubugbog sa kanyang katawan at nagkaroon din ng injuries sa ugat.
Ayon naman kay Labor Regional Director Sesino Cano, magbibigay ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration sa mga pamilya ng biktima.
Pagkatapos ng autopsy, agad na iuuwi ang bangkay sa Norala kung saan naghihintay ang iba pang mga kaanak nito.